Saturday, March 9, 2019
Sa aking mga kasamahan, matamis na pamamaalam
Noong pumasok ako dito sa Pio Duran National High
School Senior High School (PDNHS-SHS) akoy isang tahimik at simpleng mag -aaral lamang , mahiyain sa una at takot makihalubilo sa iba , wala naman akong sakit para iwasan at kamuhian ng iba sadyang ayaw ko lang talaga makisalamuha dahil wala sa bukabularyo ko dati ang makipagkaibigan dahil sanay akong mag-isa at manahimik sa isang sulok. Hanggang isang araw, hindi ko inasahan na sa isang iglap ang mahiyaing ako ay nabago sa tulong ng mga bagong kong nakilalang kaibigan.
Hindi ako makapaniwala na nagkaroon ako ng kaibigan na higit pa sa hinahangad ko. Dahil sa kanila malaki ang pinagbago ko. Ang dating mahinhin at mahiyaing mag-aaral ay naging maingay sa loob ng classroom, nagkaroon ng kompiyansa sa sarili ,naging magiliw at masiglang mag-aaral . Kaya masasabi kong isa ako sa pinaka maswerteng mag-aaral dito sa PDNHS-SHS dahil nagkaroon ako ng mga abnormal at masasayahing kaibigan. Sa tuwing akoy lumuluha sila ang naging sandalan ko.
Sila ang naging kasa-kasama ko sa kadramahan man at sa kalokohan. Kaya labis labis akong nagpapasalamat sa Diyos dahil hindi niya lang ako biniyayaan ng mapagmahal at masayang pamilya kundi pati maalaga at mababait na kaibigan. Masasabi kong ang mga ala-alang ibinahagi ninyo sa akin ay babaunin ko saan mang sulok ako magpunta. Itatanim ko sa pusot isipan ang mga bagay na itinuro ninyo sa akin , ipinapangako kong mananatili ang bawat pangalan ninyo sa isipan ko. Salamat sa walang sawang pakikinig sa mala-novelang istorya ng buhay ko, salamat sa mga panyong ipinahiram ninyo sa tuwing lumuluha ako, salamat sa mga pang-aasar at kalulitan ninyo.
Nais kong malaman ninyo na isa kayo sa insperasyon ko sa bawat hakbang na tinatahak ko. Bukod sa mga naging kaibigan at kasamahan ko dito sa PDNHS-SHS gusto ko rin magpaabot ng pasasalamat sa mga guro na walang sawang sumusuporta sa bawat tagumpay. Sa inyong sipag at tiyaga maturuan lamang kami , kahit hirap na hirap na kayo sa pag tuturo at pag-iintindi sa amin, hindi parin kayo sumusuko. Sa aming mga guro dito sa PDNHS-SHS kayo ang nagsilbing pangalawang magulang namin sa loob ng dalawang taon. Hindi kayo napapagod na gumabay sa anumang hakbang na tinatahak namin at kayo rin ang nagsilbing sandalan sa tuwing kamiy may pinagdadaanan at humarap sa mabigat na sitwasyon. Kahit isa kayo sa mga nagbibigay ng malaking pagsubok sa amin sa pamamagitan ng pagbibigay ng napakarami-raming proyekto at gawain ay sa kabila nito pinapasalamatan parin namin kayo dahil malaki ang naiambag ninyo na kaalaman at karanasan sa aming buhay. Kayo ang humubog at isa sa bumuo ng aming pagkatao. Isa rin kayo sa nagbigay ng importansya sa aming talento na naging dahilan upang mas lalo pa namin itong pagyamanin at palawakin at magsilbing inspirasyon sa mga susunod na henerasyon.
Sa mga taong naging mahalaga sa akin sa taong 2018-2019 nais kong malaman ninyo na kahit anong mangyari ay mananatiling buhay ang mga alaalang iniwan at ibinahagi niyo sa akin. Kahit may mga pagkakataong nagkakaroon ng hindi pagkakaintindihan at tampuhan sa isat-isa, hindi ito naging hadlang upang sirain ang ating mga pinagsamahan bagkos ito ang dahilan kung bakit nanatiling matatag ang ating pinagsamahan. Kaya sa pagdating ng araw na tayo ay magkakahiwalay at isasakatuparan ang mga binuong pangarap, huwag nating kalimutan ang bawat isa. Huwag nating ibaon sa limot ang lahat ng magagandang alaala bagkos ay baunin natin ang mga ito hanggang sa pagdating ng panahon na tayo ay matanda na. Nawa'y matupad natin ang ating mga pangarap sa buhay at masuklian ang paghihirap ng ating mga magulang.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment