Sunday, March 10, 2019

"Basurang ikinalat mo, epekto'y damhin mo"

                   





              Sa aming komunidad, isa sa kinakaharap na problema ay ang malimit na pagtatapon ng basura sa ilog. Ang ilog sa aming barangay ay nagmistula ng dump site ng basura at palikuran ng mga taong malapit dito. Ang mga basurang naiipon sa bawat kabahayan ay walang habas na itinatapon ng mga residente dito dahil sa malimit rin dumating ang kolektor ng basura sa aming barangay. Kung titingnan natin, ang ilog sa amin masasabi kong maraming kaakibat na epekto ito sa tao. Matinding disgrasya at panganib ang maaaring idulot nito sa kalusugan ng bawat residente. Ang mga basurang nakatambak sa gilid ng ilog ay umaalingasaw ang amoy, pati rin ang maruming tubig na dumadaloy galing sa mga babuyan sa mga kabahayan. At dahil na rin sa maraming residente ang nagrereklamo ng mga nakakalat na basura, nagpatupad narin ng batas at palatuntunin ang aming barangay ngunit hindi parin ito sapat. Ang mga babalang inilagay sa tabi ng ilog ay hindi sinusunod ng mga residente at nagbubulagbulagan pa sa kanilang mga nakikita. Dahil narin sa marumi at grabi na ang polusyon sa tubig, pati ang mga malulusog na isdang naninirahan dito at unti-unti ng nawala. 

             Ang dating masaganang ilog ay napuno ng basura na naging dahilan ng pagkamatay ng mga buhay na naninirahan dito. Kung babalikan natin, ang dating malinis at malinaw na tubig at isa sa pinagkukunang pagkain o ng isda ng mga residente ay nawala sa isang iglap lamang. Dala narin ng bagsik ng kalikasan na ang tao din naman ang lahat ng pinagmulan, kaunting ulan lamang ay nagdudulot na ng matininding pagbaha na nagiging dahilan upang maalarma ang mga residente. Ang mga opisyales ng barangay ay agad pinapayuhan ang taong malapit sa ilog upang mailayo ito sa kapahamakan. Sa tuwing malakas ang buhos ng ulan sa barangay, ang mga residente ay agad na pinapalikas (force evacuation) upang mailayo sa panganip, na tao rin naman ang puno't dulo. Samantala, dahil sa nadaragdagan ang bilang ng mga residenteng patuloy na nagtatapon ng basura sa ilog , tumataas rin ang bilang ng mga taong nagkakasakit dahilan ng maruming kapaligiran. Ibat -ibang komplikasyon sa katawan ng residente , bata man o matanda, lahat apektado. Sa kabila nito maaari pa tayong magagawa ng solusyon kung matututunan lang ng bawat isa ang disiplina sa sarili.
 Bagamat hindi na natin maibabalik ang dating linaw at ganda nito ngunit puwede pa tayong makagawa ng maliit na bagay na malaki ang maitutulong upang maibalik sa dati ang lahat. Dapat ang lahat ng kabahayan ay magkaroon ng sako o lalagyan (garbage bag) ng basura. Kumbaga paghihiwa-hiwalayin ang mga basura ayon sa uri nito nabubulok (biodegradable), hindi nabubulok ( non-biodegradable), at nareresiklo (recyclable). Ang mga nabubulok na basura ay maaaring gawing fertilizer sa halaman at sa iba pang mga pananim at puwede ring maghukay ng compost pit sa bakanting lote ng sa ganoon ay ang mga residente ay hindi na itatapon ang kanilang mga dumi sa ilog.
 Ang mga nareresiklo naman na basura ay maaaring gawing pandekorasyon o gawing palamuti sa loob ng tahanan. Hikayatin din ang mga residente sa tulong ng iba pang opisyales ng barangay na magkaroon ng "CLEAN UP DRIVE" sa ilog. At maaari ring magsagawa ng Information Dissemination o kaya symposium upang magkaroon ng kalaaman (awareness) ang mga residente at mabuksan ang kanilang isipan sa mga posibling idulot ng maling gawain na ito kung ipagpapatuloy. Maaari ring pagmultahin ang mga residenteng mahuhuling magtatapon ng dumi sa katubigan at mag- community service bilang kaparusahan. Maaari ring hikayatin ang mga residente na magtanim ng mga punong kahoy upang maiwasan ang mga pagbaha at maibalik ang preskong hangin dito. 
                 Sa kabuuan, sa pamamagitan ng mga aktibidad na iyan , maaaring maibsan ang mga taong patuloy na sumisira ng kalikasan. Maaaring sa tulong nito mabubuksan ang mga isipan ng mga tao at makiisa sa layuning ito. Kaya huwag nating sirain ang kalikasan , matutunan nating magkaroon ng disiplina sa sarili at maging responsableng mamamayan. Tandaan, na kung gusto natin ng malaking pagbabago dapat sa sarili mismo natin ito magsisimula. Kung uupo lang tayo at walang gagawin, lahat ng bagay sa paligid natin ay mapapariwara. Kaya habang maaga pa , matuto tayong igalaw ang ating mga kamay at paa tungo sa pagbabago.

No comments:

Post a Comment